Linggo, Pebrero 28, 2016

Bagay na sobrang seryoso noon pero pinagtatawanan ko na ngayon

                    Ano nga ba ang mga bagay na sobrang seryoso ako noon? Hmmmm....
Hahaha. Alam ko na. Noong bata pa ako nakikipag-away ako sa mga kapit-bahay namin kapag hindi nila ako pinapasali sa piko at patintero noon dahil maliit ako at baka hindi ko sila maabot. Sobrang nagagalit at umiiyak ako noon kaya sinusumbong ko sila sa papa ko kapag ayaw nila ako pasalihin sa laro. At dahil takot sila kay papa, pinapasali nila ako. Naisip ko ngayon, para lang sa larong piko at patintero halos makipag-away pa ako sa ibang mga bata para lang makasali sa kanila.
                    Minsan kapag naiisip ko ito tinatawanan ko nalang yung sarili ko. Tapos tinatanong ko kung "Ganun ba ako kaseryoso kapag naglalaro?" Tapos bigla nalang ako tatawa. Nakakatuwang isipin na sobrang babaw lang ng kaligayahan ko noong bata ako at pati mga mababaw na bagay sineseryoso ko. 

Paboritong gawin mulan noong pagkabata hanggang ngayon

          Ano nga bang mga ginagawa ko noon na ginagawa ko hanggang ngayon? Siguro una sa lahat, ang mag-laro ng larong kalye kasama ang mga bata. Masarap kasing balikan ang pagkabata lalo na kapag kasama mo ang iba mo pang kaibigan mula noon hanggang ngayon. Minsan kapag may oras kami, naglalaan kami ng panahon para makipag-laro sa iba kagaya nalang ng patintero, piko, sipaang bola, taguang lata at iba pa. Lalo na kapag nakikita mong hindi lang ikaw yung nag-eenjoy, maging sila at nasisiyahan sa mga  ginawa niyo.
         Pangalawa, siguro ang pagsasayaw. Mula noong grade 3 palang ako sumasayaw na ako. Kahit anong tugtog basta kembot lang may premyo naman. Kapag may mga dance showdown sa amin tuwing Christmas party ay hindi ako nawawala dahil masayahing bata ako hanggang ngayon :) . Kaya tuwang-tuwa sila sa akin. Isa lang ito sa mga ginagawa ko noong bata pa hanggang sa ngayon. 

Araw ng mga Puso

          Noong ika- 14 ng Pebrero, araw ng mga puso wala naman ako masyadong mahalagang ginawa. Una sa lahat, tinapos ko ang proyekto namin sa TLE buong maghapon. Dahil mahirap talagang gawin ito lalo na kung wala kang katulong gumawa. Mahirap magsukat, gumupit, magdikit at magpintura ng dibisyon ng bahay. Matapos kong gawin ang bahay na 'yon ay pumunta ako sa SM mag-isa, nilabas ko ang sarili ko malibang man lang ako kahit papano dahil sobrang stress na ako sa loob ng isang linggo.
          Nakita ko ang mga kaibigan ko at sumama nalang ako sa kanila para maaliw. Pagkauwi ko, binilhan ko ng bulaklak ang lola ko at binati ng Happy Valentines Day. Pagkatapos ay nagtext rin ako sa mga mahal ko sa buhay at binati rin sila. Kinagabihan ay gumawa ulit ako ng bahay para matapos na ito at mapasa kinabukasan. Ito ang mga naganap sa akin noong araw ng mga puso.

Field Demo

          Ika-26 ng Pebrero ang aming Field Demonstration. Lahat kami ay naghahanda ng mga props na gagamitin at ang buhok namin na kukulayan ng Pink para magandang tingnan. Nakakatuwa dahil mukha kaming mga manok dahil sa kulay ng buhok. Matapos magpresenta ang Grade 7 kami na ang sumunod. Pagpasok palang namin sa court ay puro hiyawan na ang narinig ko. Kaya imbis na kabahan ako ay lalo akong ginanahang gawin ang lahat ng makakaya ko para sa sayaw namin. Nag-umpisa ang sayaw puro tili ang maririnig mo. Akala ko nga noong una ay walang tugtog dahil wala akong marinig kundi puro hiyaw nila. Kaya sumusunod nalang ako sa kanila.
          Maganda naman ang kinalabasan ng aming sayaw, kahit na mayroong nauuna at nahuhuli pero hindi naman gaanong halata. Nang matapos na lahat mag perform agad na sinabi ang mga nagwagi. Hindi pa tinatawag ang numero namin kaya kinabahan na ako na baka wala kaming makuhang puwesto kahit 3rd place man lang. Nagulat kami dahil hindi sa pagmamayabang di hamak na mas magaling naman kami sa nag 3rd place at nag 2nd place. Nakakagulat pa ay 0/20 daw ang score namin sa props samantalang naghirap kaming mag-gupit ng bandaritas at nag-ambagan kami para sa hairspray. Nakakadismaya lang dahil walang nakuha ang grupo namin, gayun pa man natutuwa naman ako dahil alam kong binigay naming lahat ang makakaya namin kahit na kulang pa ito. Matapos ang awarding ay pumunta kami sa SM para magdiwang para sa successful na sayaw namin.

Pananaw sa pagdiriwang ng EDSA

          Noong ika-25 ng Pebrero, ay ating pinagdiriwang ang ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution na kung saan nagkaroon tayo ng kalayaan at natapos ang Martial Law. Sa araw na ito, ay aking pinagpasalamat na nagkaroon ng pagkakaisa ang mga kababayan nating pilipino na ipaglaban ang kalayaan natin dahil kung hindi ay baka hindi pa natin natatamasa ito hanggang sa ngayon.
          Kawawa naman ang mga tsismosa dahil noong panahon ni Pres. Marcos ay makita lang kayong naguumpukan, isa hanggang tatlong taong naguusap ay kakasuhan na kayo ng rebelyon at dadakipin ng mga guwardya sibil, kawawa naman ako mahilig pa naman akong makipagkwentuhan sa iba. Nakita ko sa balita na maraming pumunta sa EDSA at doon ipinagdiriwang ang anibersaryo at mayroon ding mga nagrally, ngunit hinarang sila ng mga kapulisan.
          Kung ano man ang ipinaglalaban nila ay hindi ko alam, basta ako masaya ko na mayroon na tayong sapat na kalayan para gawin ang lahat na mayroon paring limitasyon. Para naman sa mga nagrally na gustong ipaglaban ang mga saloobin nila, ayos lang naman ito dahil Freedom of Expression nila iyon ika nga. Sana lang respetuhin natin ang bawat isa at sama-samang gunitahin at alalahanin ang mga nagsakrispisyo noon para lahat makamit ang kalayaang hinihingi nila noon na nakakamit na natin hanggang sa ngayon.

Sabado at Linggo

          Noong sabado, pumunta ako kay mama para bisitahin siya. Sa pag-kakaalam ko ay dalawang buwan na siyang buntis at kakauwi lang niya galing probinsya. Wala naman ako masyadong ginawa noong sabado, nagpahinga lang dahil masakit ang likod ko at hindi ko alam kung bakit ito masakit. Kinagabihan nagpractice kami sa choir at nag-usap tungkol sa sunog na naganap noong ika-25 ng Pebrero alas otso ng gabi.
          Nagkaroon kasi ng sunog sa amin mabuti nalang at hindi kami nadamay. Kinaumagahan, ay nagsimba kami at ipinagdasal ang mga mahal namin sa buhay. Matapos ang simba ay umuwi ako sa bahay at nadatnan ko ang tito at niyaya niya akong umalis kasama si tita (bonding). Kumain kami sa isang kainan at umuwi na ng hapon.
          Matapos kong umuwi ay gumawa na ako ng mga takdang aralin ko sa iba't-ibang asignatura at matapos noon ay kumain na ako at maya-maya pa ay natulog na din.