Sabado, Marso 19, 2016

Pagsunod sa magulang

          Nararapat lang na sundin natin ang ating magulang dahil bukod sa utang natin ang buhay natin sa kanila, sila ang dahilan kaya nakakamit natin ang mga bagay na hindi nakukuha ng ibang bata na gaya natin. Gaya nalang ng edukasyon, tamang pabahay, pagkain, maayos na pamilya at iba pa. Dapat pa ngang magpasalamat tayo sa lahat ng bagay na mayroon tayo dahil sa kanila.
          Pero bakit nga ba ang daming tao ang kayang ipagpalit ang mga magulang nila para sa mga bagay gaya ng kaibigan at pag-ibig. Kaibigan? Marami ka pa namang mahahanap diyan, kailangan mo lang magtiwala, kailangan mo lang ng oras para kilalanin sila. Pero ang pamilya/magulang? Iisa lang yan, kapag nawala hindi mo na mapapalitan. Isa pa, kung mabuting ehemplo naman sila, bakit ka nila pagbabawalan o sisitahin na layuan mo ang kaibigan mo hindi ba? Kung wala silang nakikitang mali o ikapapahamak mo, bakit ka nila pagbabawalan diba? Ano 'yon trip lang ng magulang mo?
          Pangalawa, ang pag-ibig. Hindi ko maintindihan kung bakit may mga taong nakakayang ipagpalit ang magulang nila para lang sa taong minamahal nila. Kung ako ang tatanungin, kung tama bang ipaglaban ang pagmamahal mo gayong ayaw naman ng pamilya mo. Sa tingin ko, mararapat na sundin mo na lamang ang gusto ng pamilya mo, dahil sa tingin ko alam nila ang nararapat para sa iyo. At isa pa, kung talagang gusto ka niya at gusto mo siya, siguro naman makakapaghintay siya hanggang sa oras na  matanggap na siya ng pamilya mo ng buong-buo. At kung hindi naman siya makapaghihintay, eh di maghanap ka ng iba. May plano si God para sa ating lahat, kung hindi pa ngayon ang panahon, maaring sa hinaharap pa o baka naman hindi talaga siya para sa'yo.
          Kaya, ako hinding-hindi ko ipagpapalit ang magulang ko sa kahit na kanino, dahil una mahal ko sila eh. Sila yung taong palaging nandiyan para sa akin. Palaging sumusuporta at hindi ako iiwan. Yung kaibigan? Darating din ang panahon na iiwan at iiwan ka rin niyan, kokonti nalang din kasi ang mga totoo at mapagkakatiwalaang kaibigan, kokonti nalang sila at nagpapasalamat ako't mayroon ako 'nun. (MVR)
           At kung sa pag-ibig naman, makakahanap at makakahanap din ako ng iba diyan. Yung hindi ako iiwan sa ere, yung taong mamahalin ako hanggang sa dulo ng walang hanggan (chos!) at yung taong kayang tanggapin kung sino man ako. Alam kong may plano ang D'yos at may taong nakalaan para sa akin. Maaring hindi ko man siya mahanap sa ngayon, makakapaghintay pa naman ako. Kahit kailan, hindi naman ako nagmamadali.
          Kaya ngayon, susulitin ko muna na kasama ko pa ang pamilya ko. Dahil darating ang panahon na kukunin din sila ng Panginoon, at wala akong magagawa para pigilan iyon. Kaya imbis na ipagpalit ko sila sa iba, mamahalin ko nlang sila at ibabalik lahat ng mga binigay nila sa akin noong panahon na hindi ko pa kayang mamuhay mag-isa. Saranghae! :*

Biyernes, Marso 18, 2016

Para sa aming Guro (Filipino)

          Sa loob ng isang taon na nakasama namin ang aming guro sa Filipino, marami na kaming naranasan sa kanya. Para siyang isang kaibigan at nanay, kaibigan dahil paborito sya ng bawat kaklase namin, mabait siyang guro. Palagi niya kaming pinagbibigyan sa mga proyekto namin lalo ka kapag rush time, nagbibigay siya ng consideration sa amin. Magaling din siyang magturo, hindi nakakaboring kasi nagpapatawa siya at makikita mong gustong-gusto niya ang ginagawa niya at parang hindi siya napipilitan.
          Nanay, kasi marami nang nakuwento sa amin ang aming guro na naka-inspire sa amin na mag-aral pa lalo ng mabuti. Mabait sya sa loob at labas ng silid aralan. Hindi ka matatakot na lapitan siya dahil attached siya sa bawat estudyante niya. Mae-enjoy mo ang Filipino time kapag siya ang guro mo dahil nakakatuwa siya at puro hugot ang mga sinasabi niya na nakatutulong sa amin para mas lalong maintindihan ang lesson na tinuturo niya.
          Marami na rin kaming naranasan sa aming guro, tumawa, kumanta dahil sa aming awtput, humugot, umiyak dahil sa mala MMK na kwento ng aming guro at napagalitan. Ngunit sa tulong nito, natuto kami, nadapa pero bumangon kaagad.
          Kaya sa darating na taon, kapag Grade 10 na kami, babaunin ko lahat ng mga ala-ala na natutunan ko mula sa kanya. Hindi ko siya mamimiss, dahil sabi niya nga, magkikita pa naman kami dahil nasa Campus lang naman daw sya.
          Kaya aming guro, ako po'y nagpapasalamat sa walang sawang pagpapasaya sa amin at sa mga oras na nagbibigay ka po ng consideration lalo na kapag nakikita niyong pagod at marami kaming ginagawa. Sa pag-aalala sa amin, at sa walang sawang pagiging mabait sa amin kahit na sobrang maingay kami. Maraming salamat po! 

Natutunan (Filipino)

          Sa loob ng isang taon, marami akong natutunan sa asignaturang Filipino. Sa totoo lang, isa sa paborito kong asignatura ay ang Filipino, dahil simula palang nung elementarya, hilig ko na ang asignaturang ito. Dahil masarap pag-aralan ang Filipino, marami kang matutunan. Marami kang mababasang mga libro, tula, salaysay, sanaysay at iba pa. Marami akong lesson na gusto pero, ang pinakapaborito kong lesson/topic ay ang kwentong Noli Me Tangere dahil marami akong nalaman sa buhay ni Jose Rizal na ating pambansang bayani.
          Nalaman ko kung saan niya nakuha o hinalintulad ang akda niya para maging ganoon kalalim at kaganda. Nalaman ko rin kung saan niya ibinase ang mga karakter sa loob ng istoryang ito. Marami rin akong napulot na aral sa akdang iyon, marami akong natuklasan/nalaman sa history ng ating bansa, ang Pilipinas.
          Kung ano ang mga naranasan ng mga tao noon at mga kaganapan na nangyari sa panahong iyon, kung ano ang estado ng mga mamamayan, ng ating bansa, sa larangan ng pulitika at iba pa na maaring maihalintulad na panahon natin ngayon. Isa pa, ito ang isa sa mga pinakamatagal na topic na itinuro ng aming guro. Kaya talagang maganda ang akdang Noli Me Tangere.
          At bagay na bagay ang akdang ito sa mga kabataang gaya ko, at pakiramdam ko ay para sa atin talaga ito. Dahil tayo ang pinapatungkulan ni Elias/Jose Rizal sa mga huling salitang binitawan niya bago siya tuluyan na namatay.
          Kaya, sa mga kabataang gaya ko, patuloy nating buhayin ang akda sinulat ni Jose Rizal nang mabasa at malaman din ng iba pang mga kabataan ang totoong nangyari noon. 

Awarding

          Kahit na alam kong wala namang pag-asa na manalo kami sa Awarding, gagawin ko pa rin itong blog ko. Kung mananalo man kami, siguro halo-halong emosyon ang mararamdaman ko sa araw na iyon. Dahil una, hindi ko inaasahan dahil alam ko at alam naman siguro ng mga kagrupo ko na hindi naman ganoon kaganda ang aming gawa, isa pa hindi kami biniyayaan ng talento sa larangan ng teyatro/acting, at ang huli dahil hindi kami kasing galing ng ibang grupo dahil mismong kami hindi namin napangalagaan ang isa naming kamiyembro na dumating sa puntong lumipat ito sa iba pang grupo at hinayaan kaming maghirap.
          Pangalawa, syempre sobrang magpapasalamat sa mga taong tumulong samin, sa mga nagextra sa grupo namin dahil kulang kami ng mga aktor at aktres, sa nagedit ng film namin, sa mga nag-camera man, sa script writer/director (ako), sa mga umakting kahit na hindi nabigyang hustisya yung napuntang role sa kanila, at sa mga nagtiyagang magshooting kahit na mainit, salamat sa inyo. At syempre sa mag-aaward sa amin kung ano mang award ang mapupunta salamat sa inyo.
          At kahit na alam kong hindi naman talaga kami mananalo, papangarapin ko nalang ito, at kahit kung may best in effort lang, alam ko parin namang hindi kami mananalo. Gayun paman, hindi naman ako nag-eexpect na may matatanggap kami, kung meron edi meron pero kung wala, gagawin nalang naming inspirasyon ito para galingan pa sa mga susunod na film movies.

Karanasan (Film)

           Bilang isang lider ng aming pangkat, sa tingin ko, ako ang isa sa may pinakamaraming naranasan sa panahon ng shooting. Una, ako ang script writer. Pinaghirapan kong gawin ang script namin, para naman kahit papano masabi nilang may ginagawa ako at hindi ako masabihan ng kung ano-ano. Pero, isang araw, parang lovelife ko yung script. Iniwan din ako, nawala rin siya ng parang bula at dahil din yun sa isang taong lapastangang winala ang script na pinaghirapan ko. Sobrang depress ako ng araw na iyon, dahil bukod sa nawawala ang script namin, wala pa kaming nasisimulan kaya naman sobrang natatakot ako na baka hindi namin matapos yung proyekto namin.
          Pangalawa, sobrang nakakapagod dahil pasaway at makukulit ang mga kamiyembro ko, ang aarte pa at ayaw gawin yung role na binigay ko. (kung tanggalan ko kaya sila ng grades!?) Tapos puro pa daldalan, kwentuhan, kaya wala kaming natatapos na gawain kasi puro tsimisan eh. Kung wala pang maprepresintang kumilos wala talagang magkukusang gawa. Pangatlo, dahil ako ang script writer, camera man, at director. Nakakaloka, lahat napunta sakin? Ang hirap kaya pagsabay-sabayin, kulang nalang ako nalang din yung umakting. Tapos nakakainis pa, yung iba hindi alam yung daloy nung kwento! Eh pano nila malalaman kung anong sasabihin nila kung mismong sila hindi nila alam yung gagawin at kung paano huhugutin yung emosyong kinakailangan!? Jusko, kung hindi lang ako mabait baka iniwan ko na din sila gaya ng ginawa ng kamiyembro naming iniwan kami at lumipat sa ibang grupo. Pero kahit na puro masasamang ala-ala na naiisip ko, mayroon din namang masaya.
          Dahil, dahil doon ay mas nagkaroon kami ng dahilan para kilalanin ang bawat isa. Mas nakilala namin kung sino ba talaga kami, at nakikita kong mas gumada yung samahan namin bilang magkakaibigan. Isa pa, parang nabunutan ako ng tinik sa lalamunan nang nalaman kong tapos nang ma-edit yung film namin. Parang lahat ng pagod ko nung mga araw ng shooting ay nawala kasi natapos na kami at naipasa na namin, kaya sobrang saya ko. 

SSG Officers

Ano nga ba dapat na katangian ang taglayin ng isang SSG Officer? Para sa akin, dalawang katangian lang naman ang dapat na taglayin nila. Una, ang pagiging responsable sa lahat ng bagay. Dahil hindi biro ang maging isang SSG Officer, kahit na anong posisyon pa ang tinatakbo mo. Dahil, sa bawat buwan na mayroon sa isang taon, walang oras na hindi sila gumagalaw. Narrative reports, tulong barya, abuloy at iba pa ay isa sa mga pinakamahirap na gawain ng isang SSG. Dahil kapag hindi nila ginawa ang bawat gawaing nakaassign sa kanila, maaring mapagalitan sila ng mga guro na walang ginawa kundi hanapin ang mga butas sa mga ginagawa nila. Pati na rin ang makakuha ng mga bashers sa isang Secret Files ng paaralan namin, magugulat ka nalang na nandun ang pangalan mo at puro masasakit na salita ang sinasabi sayo, sobrang hirap tiisin ang mga iyon. Kaya ang pangalawang katangian na dapat taglayin ng SSG ay ang mapasensyoso. Dahil hindi lahat ng bagay minamadali, dapat dumadaan ito sa tamang proseso. Kailangan ng matinding pasensya para sa mga taong gumagawa ng vandals tungkol sa inyo sa mga dingding ng C.R. Kaya sa mga nahalal na SSG officers, sana gawin niyo ng maayos ang tungkulin niyo bilang SSG, hinihiling kong maging responsable at maging pasensyoso kayo sa lahat ng bagay. At sana, maging maganda ang pamamalakad niyo sa ating paaralan sa susunod na taon. 

Linggo, Pebrero 28, 2016

Bagay na sobrang seryoso noon pero pinagtatawanan ko na ngayon

                    Ano nga ba ang mga bagay na sobrang seryoso ako noon? Hmmmm....
Hahaha. Alam ko na. Noong bata pa ako nakikipag-away ako sa mga kapit-bahay namin kapag hindi nila ako pinapasali sa piko at patintero noon dahil maliit ako at baka hindi ko sila maabot. Sobrang nagagalit at umiiyak ako noon kaya sinusumbong ko sila sa papa ko kapag ayaw nila ako pasalihin sa laro. At dahil takot sila kay papa, pinapasali nila ako. Naisip ko ngayon, para lang sa larong piko at patintero halos makipag-away pa ako sa ibang mga bata para lang makasali sa kanila.
                    Minsan kapag naiisip ko ito tinatawanan ko nalang yung sarili ko. Tapos tinatanong ko kung "Ganun ba ako kaseryoso kapag naglalaro?" Tapos bigla nalang ako tatawa. Nakakatuwang isipin na sobrang babaw lang ng kaligayahan ko noong bata ako at pati mga mababaw na bagay sineseryoso ko. 

Paboritong gawin mulan noong pagkabata hanggang ngayon

          Ano nga bang mga ginagawa ko noon na ginagawa ko hanggang ngayon? Siguro una sa lahat, ang mag-laro ng larong kalye kasama ang mga bata. Masarap kasing balikan ang pagkabata lalo na kapag kasama mo ang iba mo pang kaibigan mula noon hanggang ngayon. Minsan kapag may oras kami, naglalaan kami ng panahon para makipag-laro sa iba kagaya nalang ng patintero, piko, sipaang bola, taguang lata at iba pa. Lalo na kapag nakikita mong hindi lang ikaw yung nag-eenjoy, maging sila at nasisiyahan sa mga  ginawa niyo.
         Pangalawa, siguro ang pagsasayaw. Mula noong grade 3 palang ako sumasayaw na ako. Kahit anong tugtog basta kembot lang may premyo naman. Kapag may mga dance showdown sa amin tuwing Christmas party ay hindi ako nawawala dahil masayahing bata ako hanggang ngayon :) . Kaya tuwang-tuwa sila sa akin. Isa lang ito sa mga ginagawa ko noong bata pa hanggang sa ngayon. 

Araw ng mga Puso

          Noong ika- 14 ng Pebrero, araw ng mga puso wala naman ako masyadong mahalagang ginawa. Una sa lahat, tinapos ko ang proyekto namin sa TLE buong maghapon. Dahil mahirap talagang gawin ito lalo na kung wala kang katulong gumawa. Mahirap magsukat, gumupit, magdikit at magpintura ng dibisyon ng bahay. Matapos kong gawin ang bahay na 'yon ay pumunta ako sa SM mag-isa, nilabas ko ang sarili ko malibang man lang ako kahit papano dahil sobrang stress na ako sa loob ng isang linggo.
          Nakita ko ang mga kaibigan ko at sumama nalang ako sa kanila para maaliw. Pagkauwi ko, binilhan ko ng bulaklak ang lola ko at binati ng Happy Valentines Day. Pagkatapos ay nagtext rin ako sa mga mahal ko sa buhay at binati rin sila. Kinagabihan ay gumawa ulit ako ng bahay para matapos na ito at mapasa kinabukasan. Ito ang mga naganap sa akin noong araw ng mga puso.

Field Demo

          Ika-26 ng Pebrero ang aming Field Demonstration. Lahat kami ay naghahanda ng mga props na gagamitin at ang buhok namin na kukulayan ng Pink para magandang tingnan. Nakakatuwa dahil mukha kaming mga manok dahil sa kulay ng buhok. Matapos magpresenta ang Grade 7 kami na ang sumunod. Pagpasok palang namin sa court ay puro hiyawan na ang narinig ko. Kaya imbis na kabahan ako ay lalo akong ginanahang gawin ang lahat ng makakaya ko para sa sayaw namin. Nag-umpisa ang sayaw puro tili ang maririnig mo. Akala ko nga noong una ay walang tugtog dahil wala akong marinig kundi puro hiyaw nila. Kaya sumusunod nalang ako sa kanila.
          Maganda naman ang kinalabasan ng aming sayaw, kahit na mayroong nauuna at nahuhuli pero hindi naman gaanong halata. Nang matapos na lahat mag perform agad na sinabi ang mga nagwagi. Hindi pa tinatawag ang numero namin kaya kinabahan na ako na baka wala kaming makuhang puwesto kahit 3rd place man lang. Nagulat kami dahil hindi sa pagmamayabang di hamak na mas magaling naman kami sa nag 3rd place at nag 2nd place. Nakakagulat pa ay 0/20 daw ang score namin sa props samantalang naghirap kaming mag-gupit ng bandaritas at nag-ambagan kami para sa hairspray. Nakakadismaya lang dahil walang nakuha ang grupo namin, gayun pa man natutuwa naman ako dahil alam kong binigay naming lahat ang makakaya namin kahit na kulang pa ito. Matapos ang awarding ay pumunta kami sa SM para magdiwang para sa successful na sayaw namin.

Pananaw sa pagdiriwang ng EDSA

          Noong ika-25 ng Pebrero, ay ating pinagdiriwang ang ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution na kung saan nagkaroon tayo ng kalayaan at natapos ang Martial Law. Sa araw na ito, ay aking pinagpasalamat na nagkaroon ng pagkakaisa ang mga kababayan nating pilipino na ipaglaban ang kalayaan natin dahil kung hindi ay baka hindi pa natin natatamasa ito hanggang sa ngayon.
          Kawawa naman ang mga tsismosa dahil noong panahon ni Pres. Marcos ay makita lang kayong naguumpukan, isa hanggang tatlong taong naguusap ay kakasuhan na kayo ng rebelyon at dadakipin ng mga guwardya sibil, kawawa naman ako mahilig pa naman akong makipagkwentuhan sa iba. Nakita ko sa balita na maraming pumunta sa EDSA at doon ipinagdiriwang ang anibersaryo at mayroon ding mga nagrally, ngunit hinarang sila ng mga kapulisan.
          Kung ano man ang ipinaglalaban nila ay hindi ko alam, basta ako masaya ko na mayroon na tayong sapat na kalayan para gawin ang lahat na mayroon paring limitasyon. Para naman sa mga nagrally na gustong ipaglaban ang mga saloobin nila, ayos lang naman ito dahil Freedom of Expression nila iyon ika nga. Sana lang respetuhin natin ang bawat isa at sama-samang gunitahin at alalahanin ang mga nagsakrispisyo noon para lahat makamit ang kalayaang hinihingi nila noon na nakakamit na natin hanggang sa ngayon.

Sabado at Linggo

          Noong sabado, pumunta ako kay mama para bisitahin siya. Sa pag-kakaalam ko ay dalawang buwan na siyang buntis at kakauwi lang niya galing probinsya. Wala naman ako masyadong ginawa noong sabado, nagpahinga lang dahil masakit ang likod ko at hindi ko alam kung bakit ito masakit. Kinagabihan nagpractice kami sa choir at nag-usap tungkol sa sunog na naganap noong ika-25 ng Pebrero alas otso ng gabi.
          Nagkaroon kasi ng sunog sa amin mabuti nalang at hindi kami nadamay. Kinaumagahan, ay nagsimba kami at ipinagdasal ang mga mahal namin sa buhay. Matapos ang simba ay umuwi ako sa bahay at nadatnan ko ang tito at niyaya niya akong umalis kasama si tita (bonding). Kumain kami sa isang kainan at umuwi na ng hapon.
          Matapos kong umuwi ay gumawa na ako ng mga takdang aralin ko sa iba't-ibang asignatura at matapos noon ay kumain na ako at maya-maya pa ay natulog na din.

Linggo, Enero 17, 2016

Sabado at Linggo

       Ngayong Sabado at Linggo, wala namang mahalagang naganap. Noong Biyernes ng hapon ay nagkaroon kami ng pag-eensayo para sa aming choir dahil kinabukasan ay may misa na agad kami dahil pista/pag-bibinyag ng Sto.NiƱo sa aming lugar. Nang Sabado ding iyon ay madami ang pumunta para magpabasbas ng kanilang mga Santo. Kinaumagahan maaga akong nagising dahil akala ko ay may simba ulit. Alas tres palang ng madaling araw ay gising na ako kaya natulog nalanggaa ulit ako. Kinagabihan ng Linggo, ginawa ko na ang aking mga takdang aralin at ang aking blog. Nasiyahan ako dahil sa balitang nakalap ko. Ang mall tour ng EXO Mascots, may bayad man ay sulit narin dahil hindi naman ako makakapunta sa concert nila sa darating na 21 at 22 ng January. Kaya kahit ito man lang mapuntahan ko. Kahit na hindi mismong EXO, okay lang. Naeexcite na ako sa darating na Friday, ito ay gaganapin sa SM Marikina. Nakakatuwa rin dahil alam kong hindi lang ako ang interesado dito kundi marami. May mga palaro rin at kapag nanalo ka may tyansang makakuha ng VIP Ticket para sa concert kinagabihan. Kaya manalo man o matalo, ayos lang dahil alam kong karapat-dapat siya/silang makuha iyon. Kaya kahit na boring ang buong linggo ko, sumaya naman ito kahit papano dahil sa magandang balita na natanggap ko. Magandang gabi! ~~ Chiao! :)

Mga katanungan (Noli Me Tangere)

           Bilang isang kabataan at mag-aaral maipapakita ko ang kahalagahan ng mga gawang akda ni Rizal, maging ang kadakilaan niya sa pamamagitan ng pagbubuhay ng tuloy-tuloy sa kaniyang mga akda o sa madaling salita, sa pamamagitan ng patuloy na pagbabasa ng mga nito. Dahil sa paraang ito, dadaloy sa aming mga kabataan ang mga mensaheng nais ipabatid ni Rizal at mga kaganapan na nangyari noong panahon ng mga Kastila gaya ng pagmamalupit sa mga kapwa Pilipinong gaya ko.
           Maipapakita ko rin ang pagpapahalaga kay Rizal lalo na sa mga nagawa niya sa ating bansa sa pamamagitan ng pag-aaral at pag-susuri sa kasaysayang naganap sa pagbuo niya ng kaniyang akda gaya ng Noli Me Tangere na siyang nag-bigay daan sa pagbubukas ng isipan ng mga Pilipino na makalaya sa kamay ng mga Kastila. Maari ko ring mai-apply lahat ng mga natutunan ko sa akdang aming tinatalakay ngayong ikaapat na markahan, ang Noli Me Tangere sa tunay na buhay.
           Kung paano? Sa tingin ko ay ang pagsasabuhay ng mga aral na nilagay ni Rizal, ang pag-aral sa hirap ng buhay na nangyari noong panahon, na dapat ay bilang isang kabataan gamitin ko sa maayos ang oras ko. Ang pag-aaral ng mabuti ay isa ring magandang halimbawa ng pagpapahalaga kay Rizal, dahil ika nga niya "Ang kabataan ay ang pag-asa ng bayan". Palagi kong iisipin at isasabuhay iyon, na kahit hindi ko pa nakikita ang totoong sinag ng araw, maaring sa mga susunod na panahon o henerasyon ay makita ko na iyon gaya ng pangarap ni Rizal sa aming bayan.

Ikaapat Na Markahan







Magdagdag ng caption
                                       IKAAPAT NA MARKAHAN (NOLI ME TANGERE)

Sabado, Enero 2, 2016

Dr. Jose Rizal

          Kiilala mo ba si Jose Rizal? Dahil paagi nating ipinagdiriwang ang Rizal Day tuwing ika-30 ng Desyembre, kilalanin muna nating husto ang Pambansang Bayani ng Pilipinas.
          Si Jose Protacio Rizal Mercado Y Alonso Realonda o mas kilala natin bilang Dr. Jose P. Rizal ay pinanganak noong ika-19 ng Hulyo taong 1861 sa Calamba Laguna. Ang kaniyang mga magulag ay sina Teodora Alonsa at Francisco Mercado at ang kanya namang mga kapatid ay sina Paciano Rizal, Saturnina Hidalgo, Lucia Mercado at marami pang iba.
          Ang kaniyang mga nilikhang aklat na siyang nag-pamulat sa pagbabago ng mga tao noong panahon ng pananakop ng mga Kastila ay ang El Filibusterismo at Noli Me Tangere, dahil dito kaya tinagurian siyang Pambansang Bayani ng Pilipinas. Dahil nabanggit ko na rin ang Noli Me Tangere, sa susunod kasi na markahan (ikaapat) , amin nang tatalakayin ang kaniyang akda. Namatay siya noong ika-30 ng Desyembre taong 1896 sa Rizal Park, na siya namag pinagdiriwang tuwing sasapit ang araw na ito.
          Hindi lamang sa bansang Pilipinas kinikilala, maging sa ibang bansa din. Dahil sa katapangan na pinakita niya sa panahong ng pananakop ng kastila at ang hindi pagtalikod sa bansang kaniyang kinalakihan, ang Pilipinas.

New Year Celebration

           Uumpisahan ko ang pagkukwento ko ng gabing iyon. Alas sais, nagkaroon ng misa sa aming compound, maraming dumalo. Pagkatapos ay nagpunta pa kami ng Kingsville para magchoir doon. Gaya ng simba sa amin, marami rin ang mga pumunta doon. Alas nuwebe na ng nakauwi ako sa bahay. Gaya ng ritwal ko tuwing may okasyon, nagikot-ikot ako sa mga bahay sa amin at doon naki-kain sa kanila habang hinihintay mag-alas dose ng umaga. Pagsapit ng alas dose ng gabi, iba't-ibang paputok at fireworks ang makikita mo. Marami ring tao ang nanunuod at kumukuha ng litrato para ipost sa Instagram, Twitter o Facebook. Pagkatapos kong manuod ng fireworks, umuwi na ako sa bahay kahit na punong-puno na ng mga usok yung dinadaanan ko. Pag-uwi ko agad ko namang binata ng Happy New Year ang mga magulang ko. Kumain kami ng handa namin, hindi naman marami pero sakto lang para sa aming tatlo.
          Pgkatapos, lumabas ako ng bahay para pumunta sa mga nagvivideoke, makikikanta rin ako sa kanila. Alas tres ng umaga ng nakauwi ako sa bahay. Maya-maya nakaramdam na ako ng antok kaya nakatulog na ako. Kinaumagahan, maaga akong nagising kahit medyo puyat pa ako, dahil magsasama-sama kaming magkakamag-anak para magcelebrate ng New Year. Maraming handa, kaya kumain lang ako ng kumain. Mah nag-inuman din, videoke at kuwentuhan. Alas kuwatro na ng nakauwi ako sa aming bahay. Maraming masasayang pangyayari ang naganap ngayong bagong taon. Kaya sa pagpasok ng taong 2017, masaya ko itong iwi-welcome.