Miyerkules, Disyembre 30, 2015

New Years Resolution

          Ngayong papalapit na ang bagong taon, 2017. Hmmm? Ano nga bang magandang New Years Resolution? Siguro mapapangako ko lang sa sarili ko, magbabago na ako. Uumpisahan ko nang gumawa ng mga gawaing bahay, kasi sabi nga nila magagamit naman yun, kapag ako nalang mag-isa bubuhay sa sarili ko. Hindi naman ako tamad, sadyang hindi lang ako kumikilos hangga't hindi ako inuutusan. Yung lola ko pa naman, hindi talaga ako inuutusan, depende nalang kung may sakit siya o kaya hindi niya kayang abutin yung bagay.
          Isa pa, mag-aaral pa akong mabuti, hindi ko naman goal yung mapasok sa Top 10, gusto ko lang ma-maintain yung grades ko, pakiramdam ko kasi bababa na siya ngayong grading eh. Sobrang hirap na kasi ng TLE namin, tapos humahatak pa naman sa grades ko pababa eh yung TLE ko. Kaya pangako ko sa sarili ko ay: SISIKAPIN KONG GAWIN LAHAT NG MAKAKAYA KO NGAYONG TAON PARA SA SARILI KO AT PARA SA PAMILYA KO. Fighting! ~~

Christmas Eve

          Noong Christmas Eve, maraming nangyari. Una, nag-carolling kami, hindi ko alam kung matatawag na carolling yun, kasi sumayaw at kumanta kami sa kanila. Kumita ng 8,900 pesos at yung perang yung ilalaan yun para sa Christmas party namin. Nang gabi ring iyon, nagsimba kaming buong pamilya sa simbahang malapit sa amin, pero dahil choir ako, sa iba ako nakaupo pero nagsimba parin ako.
          Pagkatapos ay nagkaroon ng kaunting salo-salo sa compound namin, maraming pagkain, marami ring dumalo kasi libre naman yung pagkain. Pagkatapos nun ay nagparty-party sila. Iba't-ibang tugtog yung naririnig namin, may pang-matanda at makabago.
          Pagpatak ng alas dose ng gabi ay nakauwi na ako sa bahay namin at sabay-sabay naming pinagdiriwang ang pasko kasama ang mga mahal ko sa buhay. Kahit na sa sobrang daming tao sa bahay, nagkasya parin kami kahit papaano.

Wishlist

Ngayong pasko, wala naman akong masyadong hinihingi o kailangan. Pero dahil kailangang may maipaskil sa blog, magbibigay nalang ako ng lima:

1. Gamit sa school
 - naubusan na talaga kasi ako ng mga gamit gaya ng papel, sa sobrang dami kasing humihingi sa room ng papel. Pati ballpen, nagkakawalaan na lahat. Oslo paper para sa TLE, kailangan kasi yun. Tsaka mga ruler at triangle.

2. Pantalon/Damit
 - wala na talaga akong pantalon, nagkakawalaan na din. Isang beses nga, nagsampay lang ako ng pantalon, pag-tingin ko sa sampayan wala na, nadekwat na ng kapitbahay. Kaya ayun, naubusan na ako. Pati mga damit, pinamimigay na ng lola ko kahit kasya pa naman sakin, kaya gusto ko ulit bumili ng bago.

3. KPOP Merchandise
 - hindi ko naman talaga ito kailangan, gusto ko lang mangolekta ng mga merchadise, para kapag may bahay na ako dun ko na siya ilalagay lahat.

4. Sapatos
 - nakakaumay na yung mga sapatos ko eh. Paulit-ulit ko nalang sinusuot kaya gusto ko ng bago, tapos ibibigay ko nalang sa iba yung mga luma kong sapatos.

5. DigiCam o kaya bagong Cellphone
 - balak ko talagang bumili nito, pero nung nag-paalam ako sa kanila na gusto kong bumili, hindi nila ako pinayagan. Kasi aksaya lang daw sa pera, ipunin ko nalang daw at ipambili ng DSLR. (Susyalin sila eh, ilang taon pa akong mag-iipon para doon. Libo kaya yun!)

Sa ngayon, ito palang ang mga bagay na hinihiling ko, hindi pa ako masyadong nagdedemand ngayon. Siguro sa susunod nalang, wala rin kasi akong pera pambili.

Sabado, Disyembre 5, 2015

Pagpili ng post sa blog

                    Ang napili kong post sa blog ng mga nasa listahan ko, ay ang post ni Ryan Dave Loreno na "PAPA FERNANDO, MAHAL NG ARISTOPOLO" dahil iyon ay araw ng mga Guro at isa pa, nandoon ay pinakamamahal naming guro. Isa siyang mabuting ama, kuya, kapatid, kaibigan at guro sa amin. Talagang hindi namin/ko makakalimutan ang mga araw na pinagsamahan namin. Sa pag-iyak namin ng dahil sa kaniya, sa mga payo niya, maging ang 3 rules niya. Ang pagpapanuod sa amin ng mga inspiring video clips sa mga panahon na gustong-gusto na namin sumuko dahil sa sobrang hirap at pressure na nararanasan namin dahil kailangan naming mapantayan ang ginawa nila noon, ang datinghawak na seksyon ni Sir, para naman hindi siya madissapoint, palagi siyang naandiyan para sa amin. Kaya mahal na mahal talaga namin siya. Lagi niya kaming chinicheer up, pinapasali sa iba't-ibang organization para matuto ng mga bagay-bagay. Sa kanya kami sobrang nag-effort at talagang ginawa namin iyon. Hindi sa pabor kami sa kaniya, kundi binabalik lang namin ang mga ginawa niya sa amin. Gaya ng nakalagay sa post ni Ryan sa kaniyanv blog, MAHAL NAMIN KAYO SIR, PALAGI LANG PO KAMING NANDIYAN PARA SA INYO. 

Pagsuri ng isang Music Video

                     Ang napili kong music video na susuriin ay ang "Miracles in December" ng EXO. Simple lang naman ang videong ito, sa umpisa ay may tatlong lalaki na nag-ngangalang BaekHyun, D.O at Chen na kumakanta habang may nagtutugtog ng piano. Pagkatapos ay may lumalabas na siyam na tao at naghahanda sila ng mga pang-regalo para sa taong minamahal nila. May bumili ng singsing, bumili ng bulaklak, pampaganda, may nagdrawing at kung ano-ano pa.
                     Masasabi kong magaling gumawa ng mga music videos ang mga Koreans dahil makikita mong talagang pinaghirapan nila ito. Sa sound effects, lights at background palang, kabog na kabog na. Isa pa, magagaling silang gumawa ng kanta, syempre EXO ang pinapatamaan ko, dahil biased group ko sila bukod sa BTS, paano ko nasabing magaling silang gumawa ng kanta? Simple lang dahil, lahat ng mensahe ng kanta nila ay maganda.
                     Sa tutuusin, malungkot ang kantang ito dahil ang mensahe nito para sa akin ay: "NASA HULI ANG PAGSISISI" dahil ang kuwento nito ay tungkol sa lalaking hindi binibigyang halaga yung babaeng mahal niya sa umpisa palang, pakiramdam ng babae na wala siyang halaga sa lalaking minamahal niya, hanggang sa umalis ang babae at iniwan siya. Sobrang nagsisi ang lalaki dahil doon naisip ng lalaki, na sana ginawa na niya ang lahat, na sana naipakita na niya sa babaeng mahal niya na mahal na mahal niya ito, dahil kahit anong gawin niya ngayon, hindi na niya maibabalik ang lahat dahil wala na. PATAY na siya, patay na ang babaeng mahal niya. 

FieldTrip 2015

                  Nobyembre 29, 2015 ay ang araw kung saan nangyari ang FieldTrip namin. Sobrang saya at napakagandang experience ang naranasan ko doon. Pagpasok palang namin, kita ko na kaagad anga mga naglalakihang rides pero hindi naman ako natatakot eh, sa katunayan mas gusto ko pang sakyan ang ganoong klaseng rides. Una naming sinakyan ang SpaceShuttle, pagkita ko palang doon, ay parang gusto ko na itong sakyan, habang ang iba naming kaklase ay nangangatog na sa sobrang takot. Inabot kami ng isang oras't kalahati sa pila bago kami makasakay. Isa lang ang masasabi ko, sa loob ng mahigit dalawang MINUTO na 'yon, ay napakasaya. Parang mawawala ang kaluluwa mo at maiiwan doon. Pagbaba ko ay talon ako ng talon habang nakaupo at nakahawak sa railings yung iba kong kaklase, gusto kong tumawa kaso parang iiyak na talaga siya kaya niyakap ko nalang siya. Pagkatapos noon, dumiretso kami sa Rio Grande, kaso sobrang haba ng pila kahit sa ibang rides kaya wala kaming ibang nagawa kundi ang pumunta sa Horror House. Sa una palang, natatakot na talaga ako. Napilitan lang ako sumama para maging masaya pero, umiyak ako paglabas ko doon sa horror house, ang dami kasing multo eh, tapos umuuga pa yung tulay na dinadaanan namin kaya naiyak talaga ako pakiramdam ko malalaglag ako ng 'di oras. Saktong paglabas namin ay malapit nang matapos ang oras namin sa Enchanted Kingdom. Kaya kumuha nalang kami ng mga litrato at nag-ikot sa buong EK, ang ganda may iba't-ibang tema kaya nakakaaliw. May mga pambat, pang-matanda at kung ano-ano pa. Napakasaya ng araw na iyon, marami pa kaming pinuntahan pero ito talaga ang pinakamasaya at nakakaaliw. Gabi na ng nakauwi ako sa bahay, at salamat sa Diyos dahil ligtas naman akong nakauwi at nagpapasalamat din ako sa kanya dahil binigyan niya ako ng tyansa na maexperience ang ganito.

Sabado, Nobyembre 21, 2015

Pagpapahalaga sa magulang

                  Sa mga simpleng bagay gaya ng pagtulong sa kaniya, pinahahalagahan ko na siya. Siya ay ang aking lola. Mula pagkabata ay siya na ang nag-alaga sa akin. Nagsusundo sa akin nung panahon na bata pa ako, nagpapalit ng sapin ko, nagpapaligo sa akin, lahst ata ng mga ginagawa ko noong bata pa ako siya ang gumawa. Umakyat sa stage kapag may award ako. Nagtatanggol sa akin kapag pinapagalitan ako. Parang siya na palagi yung kakampi ko. Para kasi sa akin, iba mag-mahal ang mga lola, base sa experience ko at mga nakikita ko. Palagi niyang pinapaala-la sa akin na alagaan ko raw ang sarili ko dahil baka magsisi lang ako sa huli. Kaya, nagsisipag akong mag-aral kahit na sobrang hirap, kahit na araw-araw may takdang aralin sa iba't-ibang asignatura para sa lola ko, at sa mga magulang ko. Dahil, sinabi ko na sa sarili ko na kapag nakapagtapos na ako, ako naman ang tutulong sa kanila sa abot ng makakaya ko para maiparamdam ko na mahal ko sila gaya ng pagmamahal nila sa akin.
                Nagtataka nga ako bakit walang "LOLA'S DAY" , dapat mayroon nun eh. Para mabigyang parangal lahat ng mga lola. Ang mga pagbating galing sa mga apo na gaya ko. Kahit na nababati naman sila ng "MOTHER'S DAY" mga anak nila yun eh. Iba kasi yung pakiramdam kapag mga apo mo na ang bumati sayo. Kaya sa lahat ng mga lola, lalo na sa lola ko, Mahal po namin kayo!

Linggo, Nobyembre 15, 2015

Bilang mag-aaral, Ano ba ang nais kong tahakin bilang tao?

           Ako, bilang isang mag-aaral, ang nais kong tahakin bilang isang tao? Siguro, gusto kong mapatunayan sa sarili ko kung gaano ba ako karelihiyoso? Kung gaano ko ba minamahal at inaapply lahat ng mga natutunan ko sa loob ng simbahan. Kung nagsisimba lang ba ako kasi kailangan o kasi gusto ko. Mahirap magsalita dahil di hamak na isa lamang akong bata. Pero kung tatanungin ako, gusto kong gawin ay: Syempre una, ang maglingkod sa panginoon, di ko kailangang magsimba linggo-linggo. A pray will do. Lagi akong magdadasal para sa sarili ko, sa pamilya ko at mga mahal ko sa buhay.
           Gusto kong maging mabuting tao, loob at labas. Hindi yung plastikan, yung totoo at walang halong biro o pagdududa. Isa pa, sabi ng papa ko, sundin ko daw ang mga utos ng Diyos, huwag daw akong gagawa ng mga bagay na ikasasama ng kapwa ko. Tumulong daw ako sa mga nangangailangan. Kaya ako bilang isang tao, at mag-aaral. Gusto kong maging mabuting tao habang nabubuhay ako dito sa lupa. AMEN? AMEN!!!

Reyalisasyon (Parabula ng Banga)

                         Ang buhay noon, kahit sabihin pa natin na lahat tayo ay pantay-pantay may mga bagay parin pala talagang nagpapatunay na hindi lahat ay pantay-pantay. Gaya na lamang sa babae at lalaki. Di hamak na mas tinatanggap sa trabaho ang mga lalaki kaysa mga babae dahil sinasabi nilang mahihina ang mga babae. Sa larangan ng edukasyon. Noon, lalaki lang ang may karapatang mag-aral at dapat ang mga babae ay nasa bahay lang. At ang pinaka masakit, sa ibang lugar, binibili ang babae depende sa katawan mo ang halaga ng bayad, nakakapanghina ng puso. Sa simpleng mga bagay napapakita ang hindi pantay na pagtrato. Isa pa, narealized ko din na ayaw kong matulad sa isang bangang gawa sa lupa. Dahil siya, mahina siya at hindi sumusunod sa pinapayo ng magulang kaya ayun, nasira siya. Kaya ako, susunod na ako sa mga magulang ko baka kasi pagdating ng panahon pagsisihan ko lahat ng mga ginawa ko. Dahil sabi nga nila masayang maging bata, pero mahirap maging magulang.
                        At higit sa lahat, nagpapasalamat ako dahil kahit papano, sa panahon ngayon limitado na lamang ang mga bagay na nagsasabing hindi pantay-pantay ang bawat tao. Ngayon kasi, kahit na mahirap st mabigat ang trabaho, ginagawa ng mga babae. Nakakapag-aral narin ang mga kababaihan gaya ng mga kalalakihan. Pinapantayan na nila ang kakayahan ng mga lalaki, kahit na alam naman nating hindi iyon mangyayari. Nagpapasalamat ako, dahil isa ako sa mga taong nakikinabang sa karapatan at pribelehiyo na ito. Kaya dapat na maging masaya at ienjoy natin ito habang natatamasa pa nating mga lalaki. 

Linggo, Nobyembre 1, 2015

3 lugar na gusto kong puntahan sa Tsina.

          Kung bibigyan ako ng pagkakataon na makapunta sa bansang Tsina, ang mga lugar na nais kong puntahan ay ang, una ang Forbidden City dahil nakita ko ang litrato nito at talagang napa-WOW kaagad ako dahil maganda talaga ito. Parang sinauna pang mga kaharian ang dating nito sa akin.
          Sunod naman ay ang Great Wall of China, dahil bukod sa kagandahang taglay nito, kahanga-hanga rin ang proseso ng paggawa nito. Isa pa, matagal nang naitayo ito kaya sadyang nakakapukaw talaga ng pansin ang mga ganitong lugar.
          At ang huli ang Yangtze River, dahil ito ang pinakamahabang ilog sa Tsina at pangatlo naman sa buong mundo. Sabi kasi ng mga tito at tita ko ay maganda daw talaga ito. Kaya gusto kong makita ito ng malapitan.
          Ito ang tatlong lugar na gusto kong puntahan kung sakaling palaring makapunta ako sa bansang Tsina.

10 gagawin ngayong bakasyon.

10 gawain na gagawin ko ngayong bakasyon:

1. MATUTULOG NG MAAGA, MAGIGISING NG TANGHALI.
     - sobrang pagod kasi nang mga nakaraang linggo dahil sa sunod-sunod na proyekto at takdang a

alin na pinagawa sa amin kaya gusto kong bawiin yung tulog ko ngayong bakasyon.

2. MAG-INTERNET NG MAG-INTERNET.
       - hindi ko na kasi masyadong mabubukas yung mga accounts ko gaya ng Instagram, Facebook at Twitter. Baka marami nang updates at mga bagong issues tungkol sa mga idolo ko eh. Kaya gusto kong magbabad dito. Isa pa, pambawas din ito ng bored ko.

3. BUMISITA SA PUNTOD NG PAP KO.
      - hindi ko na kasi masyadong napupuntahan si papa sa puntod niya eh. Kasi, sa sobrang daming gawain walang kasama si lola sa pagpunta dun. Kaya wala nang bimibisita doon. Ngayon pang malapit na ang pista ng mga patay.

4. AYUSIN YUNG MGA NASIRA KONG KUWADERNO.
      - gutay-gutay na kasi yung mga kuwaderno ko eh. Kaya gusto ko itong ayusin, kaysa naman tumambay lang ako at tumunganga, magaayos nalang ako.

5. LUMABAS NG BAHAY.
       - hindi kasi ako gaya ng ibang tao na mahilig lumabas sa bahay. Ako yung tipo ng tao na kapag wala namang pupuntahan o gagawin, hindi ako lalabas ng bahay. Nakakamiss lang gumala kasama ang mga kaibigan at mahal mo sa buhay.

6. MAG-ENSAYO NG INTERPRETATIVE DANCE PARA SA ESP.
      - kahit bakasyon kasi nagp-practice parin kami ng mga kaklase ko. Kailangan na kasing ayusin yung mga steps, position tska props na gagamitin namin para hindi naman kami mapahiya sa darating na kuhaan ng card. Kaya kahit malayo ay pinupuntahan parin naman dahil sa grado.

7. MANUOD NG TELEBISYON at GAWIN ANG TAKDANG ARALIN SA FILIPINO.
     - kasi maaga ako lagi natutulog kaya hindi na ako nakakapanuod ng telebisyon. Lalo na yung inaabangan ko tuwing gabi yung On The Wings of Love, hindi ko nga lang mapanuod kasi sobrang gabi na. Napapagalitan ako kaya ayun, gusto kong mapanuod. Tapos may binigay samin ang aming guro ng takdang aralin, marami pero gagawin naman dahil baka bumagsak kami sa asignatura niya.

8. TUMULONG SA SUBDIVISION NAMIN.
      - kasi sa lugar namin youth ako, at may mga okasyon kaming ipagdiriwang. Gaya ng Trick or Treat party sa biyernes. Kami kasi ang naka-assign dito. Kaya kailangan ng sobrang sipag at tiyaga, syempre pati na rin ang oras namin. Dahil inaabot na kami ng gabi kakagawa nito.


9. SUMAYAW, KUMAIN AT MAGLARO.
     - nakakamiss kasing gawin yung mga bagay na ito. Yung sasayaw kami sa tabi-tabi, kakain ng marami kahit walang pera, yung kalabit hingi sa mga kaibigan. At maglaro kasama yung mga bata. Nakakagaan kasi sa loob ang makita na masaya sila.

10. AT ANG HULI AY ANG MATULOG, NASABI KO NA BA? UULITIN KO NALANG ULIT. MATULOG.
     - sobrang pagod kasi talaga ako. Alam kong hindi lang ako, halos lahat kami dahil puro movies ang proyekto na binigay sa amin. Kaya gusto ko talagang bumawi ng tulog. Sumasakit na rin kasi ang mga mata ko. Kaya bumabawi ako ngayong bakasyon ng tulog.

Lunes, Oktubre 5, 2015

Sabado, Linggo at Lunes?

     Araw ng sabado, wala naman akong masyadong ginawa, dahil sa wala namang pasok noong araw ng biyernes, wala kami masyadong takdang aralin, kaya nama'y wala kaming gagawin. Nang magising ako ay agad na akong naligo dahil pupunta sana ako sa practice namin sa sayaw, nang paalis na ako nakaramdam ako ng kirit sa bandang tiyan, kaya hindi na ako tumuloy. Nagpahinga nalamang ako at natulog. Nagising ako ng alas tres at nagbihis dahil bibili kami ng gamit para sa TLE kasama ang mga kaklase ko. Una naming pinuntahan ay ang SM, sumunod naman ay Robinsons, Sta.Lucia at Tropikal, kung saan-saan na kami nakaabot makabili lang ng gamit. Bandang alas 5 na ako ng makauwi. Pagdating ko ay naghanda naman ako para sa practice namin sa  Choir. Matapos ang practice ay nanuod ako ng Basketball, ayun natalo ang Philippines, madaya ang China. :P
    Araw ng linggo, maaga akong nagising para magsimba, noong una ay tinaramad pa akong bumangon pero kalaunan ay nagising din naman ako. Matapos ang misa ay afaf ko nang ginawa ang TLE namin at matapos ko din naman agad iyon. Matapos noon ay nanuod na ako ng telebisyon hanggang gabi, spazz, stalk, youtube, line, fb, instagram, google. Lahat na ata ng sites na-open ko. Matapos nun, ay kumain na ako ng hapunan at maagang natulog.
     Kinaumagahan, Lunes. Wala kaming pasok kaya minabuti ko nang gumawa ng script pada sa English namin, medyo mahirap dahil wala naman akong pinaghuhugutan. mayroon sana kaming pagpupulong ngunit hindi natuloy sa kadahilanang hindi ko alam kaya nstulog ulit ako at maginternet nalang. Buhay fangirl, ang ginawa ko hanggang gabi. At maghahanda na ako ng gamit para bukas. Ito ang ginawa ko buong weekends.

Guro

        Isang araw sa hindi inaasahang pagkakataon ay napadpad ako sa mundo ng Section 1, sa panahong iyo hindi ko pa maunawaan kung bakit. Nagkaroon kami ng isang istriktong guro; sobrang natatakot talaga ako sa kanya ng mga panahong iyon. Hanggang sa tumagal ay natutunan namin siyang mahalin bilang isang tunay na ama. Napakabait niya sa amin dahil ang tunay kabaitan daw ay ang pagtama sa mga pagkakamali. Akala ko noon sobrang sungit niya, 'yun pala talagang mahigpit lang siya. Mahal na mahal namin siya, lagi niya kaming sinasabihan na sa lahat ng bagay na gagawin mo, malaki man o maliit kailangan ng "EFFORT" at dapat pinaghihirapan.
       Alam ko rin namang mahal niya kami, nararamdaman ko yun. Isang beses na siyang       muntik umiyak sa amin, yun ay ang pagtatapos ng taon namin sa kanya syempre umiyak din kami. Magaling at mahusay magturo si Sir, mahal niya talaga ang mga estudyante niya kaya naman minamahal dun sya, isa sya sa mga guro na hinahangaan ko. Maganda rin sya, hahahaha! Sobrang namimiss na namin sya kaya tuwing nakikita namin sya agad namin syang kinakamusta at ganoon din naman sya sa amin. Kaya Sir, Happy Teacher's Day po! Mabuhay! :)

Sanaysay

           Mahalagang malaman kung ano ang sanaysay dahil ito ay isa sa mga midyum kung paano mo mailalabas ang saloobin at opinyon mo sa isang bagay, pinapanigan mo man ito o hindi. Dahil din dito mas maliwanag mong masasabi ito at matututo kang magrespeto ng mga taong may kanya-kanyang opinyon. At saka, kapag sanaysay ang ginamit mo mas mukhang pormal tingnan, basahin o pakinggan ng mga babasa nito.
           Magagamit ang mga kaalamang ito kung ikaw ay magsasagawa ng isang sanaysay na patalumpati dahil maipapahayag mo ng maayos at tama ang mga opinyon mo. Maari ring sa social media o internet dahil uso ngayon ang mga "FAN WAR" talagang magagamit mo ito hindi lamang sa pagiging pormal, hindi ka pa makakabastos ng ibang tao. Sa paarang ito hindi ka pagsisimulan ng kahit anong away.

Biyernes, Setyembre 25, 2015

Sapat na ba ang karapatan na natatamo ng mga kababaihan ngayon?

         Kung ako ang tatanungin, para sa akin sapat nang maituturing ang mga karapatang natatamo ng mga kababaihan sa panahon ngayon, halos pantay na nga ang pagtrato ng lipunan sa mga kababaihan ngayon, hindi man ganoong nakikita ramdam ko ang malaking pagbabago kumpara noon na higit ko namang ikinatutuwa dahil isa kami sa makikinabang ng bagay na iyon.
May mga pagkakataon ding pabor sa atin, gaya ng mailan-ilang batas na para sa kababaihan lamang. Sa tutuusin nga ay dapat na tayong magpasalamat dahil hindi naman lahat ng bansa may ganitong karapatan na natatamasa ang mga kababaihan, kaya para sakin kung anong mayroon na tayo ngayon, huwag nalang tayong maghiling ng sobra pa, ibibigay naman ito kung alam ng nakakarami ang dapat gawin. Tamang paghihintay lang ang kailangan, sa mapayapa at hindi marahas na daan.

Linggo, Setyembre 20, 2015

Ang opinyon ko lang sa mga taong walang ibang ginawa kundi ang pumatay ng mga buhay ng walang kamuwang-muwang na hayop ay napakasama niyo. Hindi man lang kayo naawa sa mga hayop na napatay niyo, at parang nasasayahan pa kayo. Parang ginawa niyo nang libangan ang pagpatay, ano ito laro? Hindi basta-basta ang pagpatay. Ang hayop parang tao rin yan, may nararamdaman din yan, kung kayo kaya ang nasa posisyon nila, matutuwa ka kaya kapag pinatay ka ng wala ka namang ginagawa? Nang wala ka namang kasalanan? Diba hindi naman. Kaya sana sa mga taong walang magawa sa buhay, walang mapagbuntungan ng galit o problema, huwag niyo namang idamay ang mga hayop sa paligid kasi nakakaawa sila. Manuod nalang kayo ng AlDub o kaya Ms.Pastillas girl para malibang kayo, tutal ito naman yung mga kinababaliwan ngayon, makinuod nalang din kayo para maging masaya kayo. Para maging masaya yung mga hayop kasi wala nang papatay sa kanila. At para hindi maubos ang mga hayop sa paligid na siyang isa sa mga nagbabalanse ng ecosystem. At para hindi masira ang Earth.

Sabado at Linggo

Araw ng sabado, isang napakamasayang araw dahil ngayong araw ay magkakaroon kami ng training tungkol sa First Aid. Alas syete ng umaga ng ako'y umalis sa bahay at pumuntang paaralan. Nang makarating ako, samut-saring ingay ang naririnig ko dahil ang daming tao. Mga estudyante mula sa grade 7 at 9. Masaya kami. Nang dumating ang mga taga-turo ay agad na kaming nagsimula. Tinuro samin ang tungkol sa First Aid, mga dapat at hindi dapat gawin tapos ay Sinabihan kami na magreview para sa darating na pagsusulit kinabukasan, at saka na kami umuwi. Kinabukas, nagsimba muna ako bago pumunta sa eskuwelahan. Dumating na ang mga taga-turo namin at nagumpisa na kami. Nagturo muna sila ng tungkol sa BANDAGING and TRANSFERING nga mga nasugatang pasyente. Pagkatapos ay nagumpisa na ang aming pagsusulit. Nakakakaba pero nangunguna ang kasiyahan sa amin. Matapos iyon ay nagkaroon kami ng practical test kung saan Isasalin mo lahat ng mga natutunan mo. Naging maganda naman ang resulta nito, maayos naman daw naming nagawa iyon. Sa October 3, 2015 ay magkakaroon ulit ng training tungkol naman sa CPR, dito natapos ang buong linggo ko, ni wala akong oras sa paggawa ng takdang aralin, gayun pa man bilang isang mag-aaral kailangan gampanan lahat ng mga responsibilidad. Mahirap pero kakayanin.

Huwebes, Setyembre 10, 2015

" Kung pupunta ako sa South Korea.... "

 Kung bibigyan ako ng pagkakataon na makapunta sa South Korea, sampu ang bagay na gagawin ko. Una, lilibutin ko ang buong Seoul, dahil sabi sakin ng tita ko maganda daw ang Seoul, kaya gusto kong subukan. Pangalawa, sa Namsan Tower, kahit ako lang mag-isa, okay lang sakin basta makarating lang ako doon. Pangatlo, gusto kong masubukan yung mga pagkain nila doon, kasi kahit daw sobrang anghang ng pagkain nila sobrang sarap naman daw. Pang-apat, magbibisikleta ako sa isang parke, kasi diba masarap at malamig ang hangin sa Korea. Ika-lima, ang kumuha ng mga litrato sa magagagandang tanawin, at sa cherry blossom na pangarap ko talagang makita, kukuha pako ng isang petal nito para remembrance. Pang-anim, ang png mapuntahan ang isang palasyo doon, tapos titignan ko kung gaano sya katatag na hanggang ngayon ay nakatayo pa rin. Ika-pito, ang makapunta sa SMEnt, kasi wala lang. Para makita kung gaano ba kalaki ito at kung suwertihin ay makakita ng mga artista. Pangwalo, makita ang mga miyembro ng EXO, lalong-lalo na sina Baekhyun, Chanyeol, D.O at Suho. Pang-siyam, ay bumili ng orihinal na gamit ng EXO sa Seoul at ang pang-sampu ay ang mapanuod ang EXO ng live, yung nasa harapan mo sila habang nagpeperform sila. Kasi lahat naman ata ng KPOP fans, isa yun sa mga hinihiling eh, bukod kasi sa malayo ang Korea sa Pilipinas eh, madalang lang sila kung magconcert dito, kaya gusto kong makita kung gaano ba sila kahusay at kagaling sa larangan ng pagsayaw at pagawit. Ito ang sampung kahilingan ko kung makakapunta ako sa South Korea partikular na sa Seoul.

Linggo, Setyembre 6, 2015

Sabado At Linggo

     Araw ng Sabado, ay ang araw matapos ang nakakapagod na laban sa Mayamot National High School.  Masakit halos buong katawan ko, ni hindi ko ngang magawang makatayo sa hinihigaan ko sa sobrang pagod na nararamdaman ko. Kaya minabuti ko na munang magpahinga sa bahay at huwag kumilos ng kumilos. Nagtanong din ako sa mga kaklase ko kung ano ano ang mga takdang aralin namin, at nalaman kong sobrang dami pala. Kaya natuto akong wag nang magexcuse para hindi tambak ang mga gawain. Kinagabihan nagensayo kami sa choir para sa darating na misa kinabukasan.
    Araw ng Linggo ay maaga akong nagising para maghanda sa misa na maya-maya ay gaganapin na din. Matapos ang misa ay agad kong ginawa ang mga takdang aralin ko pati na rin ang lahat ng mga ipapasa kinabukasan. Hinanda ko na rin ang mga gamit ko para hindi na ako maggahol sa oras kinabukssan.

Anong nararamdaman mo ngayong papalapit na ang pasko?

      Kayo ba, anong nararamdaman niyo habang papalapit na ang pasko? Ako kasi hindi pa rin makapaniwala at saka sobrang natutuwa. Hindi ko kasi lubos na akalain na magpapasko na naman, sobrang bilis ng panahon. Parang kahapon lang pasko tapos ngayon pasko na ulit? Sobrang bilis talaga at hindi ko man lang iyon namamalayan. Tatanda na rin pala ako, madadagdagan na naman ang edad ko. Sobrang bilis talaga, maraming masasayang ala-ala ang nabuo ko kapag sumasapit ang araw ng pasko . Natutuwa talaga ako lalo na sa palitan ng regalo, pagsasabi ng maligayang pasko at ang pagkumpleto sa araw ng simbang gabi para lang matupad lahat ng mga kahilingan mo kasama ang mga mahal mo sa buhay.

      Ngayong papalapit na ang pasko umaasa ako na sana maging masaya ang pasko ko. Simple lang naman ang hinihiling ko sa kanya, ang bigyan niya ako at ang pamilya ko ng masaya , masagana at panibagong taon. Gusto ko rin sana na makita o kaya naman ay batiin ako ni Deon Montimor sa facebook sa araw ng pasko, pero  syempre malabong mangyari iyon. Kaya  biro lang talaga iyon. Advance Merry Christmas sa lahat! Magdiwang mga bruhh!

Huwebes, Agosto 27, 2015

Bakit kailangan mag-ingat sa paglalabas ng nararamdaman?

        Kailangan nating mag-ingat sa pagsasabi ng mga saloobin natin dahil hindi natin alam ay baka nakakasakit na tayo sa ibang tao. Gaya sa pagpaskil ng mga saloobin sa Facebook, Twitter at Instagram hindi natin alam na kahit hindi naman natin ginustong masaktan sila ay nasasaktan sila, hindi maiiwasang may umasa na sila yung pinapatamaan mo. Minsan din, hindi natin inaasahan na tayo mismo yung masasaktan. Sa pagkomento ng ibang tao sa mga posts mo. Kaya mahalagang mag-ingat tayo sa bawat posts na inilalagay mo para hindi tayo makasakit ng iba at para hindi ka na rin masaktan.

Linggo, Agosto 23, 2015

Sabado at Linggo

   Sabado ng umaga ay agad akong nagising para gumawa ng takdang aralin. Naligo na ako at kuamin ng umagahan matapos gawin. Pagsapit ng alas nuwebe ay agad akong nanuod ng paborito kong palabas sa telebisyon. Pagkatapos ay pumunta kami sa bahay ng kaibigan namin para gumawa ng proyekto sa nasabing asignatura. Pumunta rin ako sa bahay ng aking kaibigan na may kaarawan. Umuwi na ako agad sa bahay at naghanda na para mag-ensayo sa choir. Kinagabihan ay nagsimba ako kasama ng aking mga kaibigan at umuwi na matapos iyon.
   Linggo ay agad akong nagising para magsimba. Natapos ang misa at umuwi na rin ako. Nanuod ako ng paborito kong palabas na Haikyu at kumain na ng tanghalian. Gumawa ulit ako ng takdang aralin at pagkatapos ay natulog na para maaga akong magising bukas. Ganito natapos ang buong linggo ko.

Paano mo nailalabas ang iyong saloobin?

     Nailalabas ko ang saloobin ko sa pamamagitan ng pagsulat ng kung ano ang nararamdaman ko, magsulat ng nga istoryang katulad ng mga nararanasan ko.
   Minsan nailalabas ko rin ito habang kumakanta, nailalabas ko ang mga emosyon habang kumakanta, ramdam na ramdam ko pa ang bawat linya ng mga kanta.
   Pati sa pagsayaw ay isa sa mga midyum ko para mailabas lahat ng nararamdaman ko, bawat galaw, kembot at hataw ay may kahulugan at emosyon na ipinaparamdam.
   Sa mga dahilan na ito ay mas madali kong nailalabas ang mga nararmdaman ko at lahat ng gusto kong iparating. Lahat ng sakit o sayang dala-dala ko. Napapadali nito ang bawat gianagawa ko, hindi ko maibubuntong sa iba at tanging ako at ang mga midyum ko lang ang nakakaalam.

Miyerkules, Agosto 19, 2015

Naramdaman sa unang markahan

Unang markahan para sa akin ay isa sa pinaka-mahirap dahil kailangan mo pang mag-adjust sa lahat ng bagay. Gayun pa man, niraos namin ang mga ito. Mahirap, presyur at kaba ang nararamdaman ng bawat isa. Nakakatakot kasi ang awra ng guro namin kaya seryoso kami pagdating sa kanya. Marami kaming binasang mga akda pero tumatak sa isip ko ay yung Anim na Sabado ng Beyblade, bakit? Kasi maganda siya, nakakaakit ng damdamin. Medyo nakakaiyak din siya. Sa loob ng ilang buwang pagtuturo at paggawa ng proyekto at takdang aralin, Unang markahang pagsusulit na, halos lahat nama ay nakapasa (kabilang na ako) at nakakatuwa na kahit papaano ay nakapasa kaming lahat. At ngayon, simula na para harapin ang iba-iba pang hirap na dapat naming danasin.

Martes, Agosto 18, 2015

Leadership Development Program

Sabado ng umaga, nang ako'y magising agad-agad akong naligo at dumiretso ng aming paaralan para maghanda sa gaganaping LDP o Leadership Development Program. Ako'y natutuwa habang kinakabahan. Alam kong magiging masaya ang programang ito. Sumakay kami sa BUSurahan masaya lalo na kapag sumisigaw kami. Marami kaming ginawa, nagkaroon ng mga bagong kaibigan mula sa iba't-ibang paaralan, naglaro, gumawa ng cheer at tinalakay ang history ng RedCross at iba pa. Masaya ang kinalabasan ng araw na iyon.
     Linggo na! Ito na ang pinaka-inaabangan ng lahat Team Building. Pero bago namin iyon ginawa nagkaroon muna kami ng pagsusulit sa mga tinalakay kahapon. Pagkatapos nagensayo kami para sa aming cheer at nag-umpisa na nga ang TeamBuilding. Takbo dito, takbo doon. May natutumban, nadadapa at bumabangon. Kailangan ang pagiging lider mo dito, sinusukat kung hanggang saan ang kaya mo, hahanapin ang piso, aakyat sa tatlong palapag na gusali habang may sinulid na nakapulupot at iba pa. Pero ang pinakamasaya doon ay ang paglusong sa putikan ng hindi ka nasasayad sa mga sinulid na nakasabit dito. Masaya, napaka-gandang experience sa mga estudyante ito. Sana maulit ito muli, tiyak kong mas marami na ang sasali. 

Linggo, Agosto 2, 2015

Back to December

     Pinakapaborito kong musika ay ang Back to December  ni Taylor Swift dahil maganda ang mensahe ng kantang ito kahit na hindi pa ako umiibig ay niintindihan at nauunawan ko ang nais iparating ng kantang ito. Mga linyang tagos sa puso ng kahit sino mang kumanta o umawit nito.
    Gaya nalang ng linyang ito “This is me swallowing my pride standing in front of you saying I’m sorry for that night” ito yung mga taong  kayang  ibigay ang lahat maging masaya lang kauyong dalawa, kayanf itaya maging ang pride niya para lang sayo. Sobrang hirap man pero may tao talagang ginagawa ito. Hindi ko nga lubos na maisip na may mga taong nakakayanan pala ang ganoong sitwasyon, napakatatag nila.
    Pero pinaka tumagos sa puso ko ang linyang “And I’ll go back to December all the time” na para bang sinasabing gusto niyang balikan lahat ng ala-ala niyong dalawa. Balikan ang mga pangyayari, pagkakataon at panahong kayong dalawa pa, at ibalik yung mga oras na sana naayos at naisalba pa yung relasyon niyong dalawa.

    Maaring hindi pa nga ako dumaranas ng tiantawag nilang PAG-IBIG, hindi ibig sabihin noon at hindi ko na mauunawaan at maiintindihan ang mga kantang may pinanghuhugutan at may pinagdaraanan.

Lunes, Hulyo 20, 2015

Katangian ng Kaibigan

       Mga katangian na nanaisin ko sa isang kaibigan ay ang taong totoo sa sarili. Yung tipong hindi na kailangang magbalat-kayo, magbait-baitan para masabing mabuti, gusto ko yung kung sino at ano sya ay huwag na niyang baguhin pa.

Nais ko rin ng kaibigang maaring sabihan ng mga problema, yung bibigyan ka ng payo tungkol sa problema mo at hindi yung dadagdagan pa ito. Yung masasandalan at magmimistulang panyo mo sa tuwing may iyakan drama ka, yun yung gusto ko.
Hindi ko kailangang ng taong sobrang bait, minsan kasi kung sino pa yung mabait sa paningin mo sya pa yung may malaking tinatago.

Hindi ko kailangan ng mala-anghel na kaibigan, kahit masungit, mapang-bara, mayabang, maingay at kung ano-ano pa, ang importante ay ipinapakita niya kung ano talaga sya at hindi niya kinakahiya iyon.

Sabihin na natin na marami kang "Kaibigan" pero, bilang lang sa kamay mo ang masasabi mong "Tunay Na Kaibigan o BestFriends",

Kaya kung magahahanap ka ng kaibigan, isaalang-alang mo ang ugali ng taong kakaibiganin mo at oras para makilala mo pa sila ng lubusan. Pumili ng taong pagkakatiwalaan mo para hindi ka masaktan sa huli.